Malabo pang payagan ang same sex marriage sa Pilipinas.
Reaksyon ito ni Atty. Glen Subia, isang eksperto sa family code, sa petisyong inihain sa Korte Suprema na naglalayong payagan ang same sex marriage sa Pilipinas.
Ayon kay Subia, mahaba ang proseso na daraanan ng layuning ito ng mga LGBT o Lesbian, Gay, Bisexual at Transgender na payagan silang magpakasal sa kaparehas nila ng kasarian.
Ipinaliwanag ni Subia na hindi ipinagbabawal ng family code ang same sex marriage pero, tinutukoy sa Article 1 ng family code kung sinu-sino lamang ang puwedeng magpakasal at kung anong kasal ang kikilalanin ng batas at estado.
“Ang puwede lang magpakasal ay isang babae at isang lalaki na poarehong nasa edad na atleast 18 yearts old. Halimbawa merong isang sekta o religious group na nare-recognize niyang magpakasal ang isang parehong babae o parehong lalaki, as far as they are concerned, okay yun, pero ang benepisyo ng ating batas sa isang mag-asawahan like yung pagmamana o pension hindi mapupunta sayo dahil the surviving spouse is not a legally recognized spouse.” Ani Subia.
Sa petisyong inihain sa Korte Suprema ni Atty. Jesus Nicaldo Falcis III, hiniling nitong ideklarang unconstitutional ang ilang bahagi ng Articles 1 at 2 ng family code dahil lumalabag ito sa Section 1 ng Bill of Rights at Article 15 Section 3 ng Saligang Batas.
Ayon kay Subia, hanggat walang deklarasyon ang Korte Suprema na labag sa konstitusyon ang ilang bahagi ng family code, nakasalalay pa rin sa kongreso kung papayagan o hindi ang pagpapakasal ng lalake sa lalake at babae sa kapwa babae.
“Kongreso lang ang may hawak ng bola dito kung gusto nilang amyendahan, direkta ka na sa legislative body natin kasi idi-dismiss ang petisyon na yan kung nai-file man yan, idi-dismiss yan ng Supreme Court definitely for lack of course of action kasi nakasulat sa batas, eh yung batas naman ay hindi deklaradong unconstitutional so hindi niya puwedeng pakialam yun, meron itong religious inclination so medyo may problema talaga yan, probably not in our generation ito.” Pahayag ni Subia.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit