Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Supreme Court Associate Justice Samuel Martires bilang bagong Ombudsman.
Ito ay kasunod na rin ito nang pagreretiro ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Ayon sa Pangulo, istrikto si Martires na isa ring matalino at patas na tao.
We have a new Ombudsman. I signed the appointment of Justice Martires…. He was strict in the Sandiganbayan, but he is bright and he is a fair man. Pahayag ni Duterte
Tiniyak ng Pangulo na hindi niya pakikialaman o i-impluwensyahan si Martires bilang Ombudsman na isang independent institution.
Ang tanging mensahe lamang aniya niya kay Martires ay gawin lamang nito ang tama.
Ang sabihin ko lang sa iyo, and this is my statement, do what is right. Dagdag ni Duterte
Matatandaan na inendorso ng Korte Suprema si Associate Justice Samuel Martires para pumalit sa posisyon ng nagretirong Ombudsman na si Conchita Carpio Morales.
Naging unanimous ang desisyon ng 11 mahistrado ng Supreme Court para irekomenda sa Judicial and Bar Council o JBC na isama sa shortlist ang pangalan ni Martires.
Si Martires ay dating Sandiganbayan justice at kauna-unahang appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Korte Suprema.
Una nang nakasasama sa listahan ng JBC si dating Sandiganbayan presiding Justice Edilberto Sandoval at Labor Secretary Silvestre Bello III.
PACC Chairman Dante Jimenez, naghatid ng pagbati kay Martires
Nagpaabot ng pagbati si Presidential Anti-Corruption Commission Chairman Dante Jimenez sa bagong itinalagang Ombudsman na si Samuel Martires.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Jimenez na inaasahan niya na magkakaroon ng kolaborasyon ang dalawang ahensya upang masawata at mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayang sangkot sa katiwalian.
Binabati ko si Justice Martires bilang itinalaga ng ating Pangulo bilang bagong Ombudsman. I hope both of our agencies will collaborate on fighting corruption and cleanse the bureaucracy. Pahayag ni Jimenez
Ayon kay Jimenez, isa sa mga reporma na dapat ipatupad o unahin sa tanggapan ay ang pagpapabilis ng pagproseso sa mga inihaing graft complaint laban sa mga opisyal. Aniya, ayaw niyang matulad ang magiging bagong pamunuan sa naging liderato ng nagdaang Ombudsman na si Morales na umano’y may kinikilingan.
Bilisan ang mga complaint na inihain sa Ombudsman, ayun ang nakikita kong reporma. ‘Yung dating Ombudsman kasi na si Conchita Carpio Morales, mabagal at selective kaya nga sinampahan namin ‘yan ng impeachment complaint pero hindi naman nag-prosper. Umaasa ako kay new Ombudsman Martires that we can collaborate things. I hope na ‘yung mga complaint na ipapadala namin diyan ay maaaksyunan agad ng bagong Ombudsman. Paliwanag ni Jimenez
(Balita Na, Serbisyo Pa Interview)