Tuloy na ang paggiba sa San Andres Public Market sa Maynila kaugnay sa pagsasapribado nito.
Kasunod ito nang pagkabigo ng San Andres Public Market Vendors Association na makakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Manila RTC laban sa City Ordinance 8346.
Bagamat may ilang araw pa para maghain ng motion for reconsideration, itinayo na ng Manila City Hall Engineering sa harap ng palengke ng San Andres street at gilid ng Leveriza ang steel cages na pansamantalang paglilipatan sa mga vendor.
Tulad ng public market ng Sta. Ana, Sampaloc at Trabajo, ang XRC Mall Developer ang magpapatakbo ng San Andres Market sa ilalim ng joint venture agreement ng Manila City Hall sa private sector sa loob ng 25 taon.
Magugunitang noong isang linggo ay sumugod pa ang ilang vendor sa Manila City Hall para iprotesta ang patuloy na pagsasapribado ng ilang pampublikong palengke sa lungsod.
Nakipag-usap na si Manila Mayor Joseph Estrada sa mga vendor at ipinabatid na bahagya lamang ang magiging pagtaas sa kanilang upa.
By Judith Larino