Tumanggap ng donasyon ang Pamahalaang bayan ng San Jose del Monte City sa Bulacan mula sa TV Network giant na ABS-CBN.
Aabot sa 3,000 Emergency Food Packs ang ipinamahagi sa may 9 na lugar sa lungsod, hindi kalayuan sa nasa mahigit 7 ektaryang lupain kung saan itatayo ang ABS-CBN Horizon IT Park.
Kabilang sa mga ito ang Rosario Ville, Skyline Ville, Mga Bahay sa Serrata, Peterville, Liana Road, Amihan Road, Del Monte Heights, Sawmill Subdivision, at Skyline Homes.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si SJDM Mayor Arthur Robes at ang may bahay nitong si Rep. Florida Robes sa ipinaabot na tulong ng KAPAMILYA Network sa kanilang mga kababayan.
“Kami ay lubos na nagpapasalamat sa Kapamilya Network sa suporta na ibinigay sa mga tao ng San Jose del Monte,” sabi ni Rep. Robes. “Patuloy silang nagbigay ng suporta sa lokal na pamahalaan. Nagpapasalamat sa mga namamahala sa ABS-CBN sa pagbibigay ng libu-libong emergency food packs,” pahayag ni Rep. Robes.
Sa panig naman ni Mayor Arthur Robes, “Pinahahalagahan namin ang lahat ng tulong na ibinigay sa amin ng mga kumpanyang tulad ng ABS-CBN. Ikinagagalak ng LGU ang pagiging bukas-palad ng iba’t ibang mga kompanya at organisasyon upang dagdagan ang tulong na binibigay sa mga residente ng San Jose del Monte. Malaking bagay ito sa panahong ito.”