Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng San Luis, Pampanga na walang nakalalabas na poultry products mula sa kanilang munisipalidad.
Ito ay ayon kay San Luis Pampanga Mayor Venancio Macapagal, kasunod ng outbreak ng bird flu sa anim na mga malalaking poultry farm sa kanilang munisipalidad.
Ani Macapagal, nagpapatuloy ang kanilang ginagawang depopulation sa loob ng inilagay na 1 kilometer quarantine zone sa mga poultry farms na naapektuhan ng bird flu virus.
Nag-depopulate po kami sa kasalukuyan, ‘yun pong one kilomoter radius at selyado po ‘yun wala pong nakakalabas.
Kasabay nito, tiniyak din ni Macapagal na maayos ang lagay ng mga trabahador ng mga naturang poultry farms at nabigyan na rin ng flu vaccine.
Naka-antabay po ‘yung ating mga medical team para magbigay ng vaccine bago sila pumasok.
Avian flu virus ‘di pa tiyak kung galing sa migratory birds – DENR
Nilinaw ng DENR o Department of Environment and Natural Resources na hindi pa tiyak na mula sa mga migratory birds ang avian flu virus na tumama sa mga alagang manok sa anim na mga poultry farm sa San Luis, Pampanga.
Ayon kay DENR Biodiversity Management Bureau Director Theresa Mundita Lim, kailangan pa ng masusing pag-aaral para mapatunayang nanggaling nga ang virus sa mga nasabing ibon.
Kailangan din aniya tignan ang iba pang maaaring maging dahilan ng pagkalat ng avian flue virus tulad ng smuggling ng mga iba’t ibang uri ng ibon.
Hindi natin masasabi immediately na ‘yun yung cause, kailangan pag-aralan dahil baka masyado na tayong naka-focus sa migratory birds eh mayroon din incidents ng smuggling kaya kailangan tingnan din natin ‘yun.
Gayunman, ipinayo ni Lim na makabubuti kung ilalagay ang mga poultry farm malayo sa mga lugar na madalas paglagian ng mga migratory birds lalo’t hindi maiiwasan ang pagpasong mga naturang ibon sa bansa.
Migration pathway talaga ang Pilipinas eh, pwede nating gawin talaga is i-monitor ‘yung mga areas kung saan sila nag fi-frequent.
So, around September hanggang March yung migration season, mga wet land areas doon sila namamalagi, doon din kakain.
As long as hindi doon nilalagay malapit ‘yung poultries mami-minimize ‘yung paglipat o pag-jump nung virus.