Dinepensahan ni San Miguel, Bohol Mayor Virgilio Mendez ang pagkakatanggap niya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine kahit hindi siya kabilang sa priority list.
Ito’y matapos siyang banggitin ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi sa ulat bayan nito bagama’t hindi siya kabilang sa listahan ng alkalde ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pinagpapaliwanag dahil sa pagpapabakuna ng mga ito.
Ayon kay Mendez, hindi naman siya sumingit para lamang makapagpabakuna ngunit dahil siya rin ay senior citizen na mayroong comorbidities.
Ani Mendez, tinanong niya ang doktor kung anong gagawin matapos hindi sumipot ang mga naka-schedule sanang babakunahan at kahit aniya ang ilang substitute ay hindi rin pumunta.
Ngunit dahil naroon na rin siya, isang senior citizen na mayroong comorbidities, sinabi ng doktor na sa tingin niya ay wala namang problema kung siya ay mabakunahan na lalo’t siya rin naman umano ay exposed sa virus.
Hindi na rin pinakawalan ni Mendez ang pagkakataon na ito, hindi na rin aniya niya inalintana ang panganib at dahil kwalipikado rin naman siya bilang isang senior citizen.
Giit pa ng alkalde, kung hindi magagamit ang mga bakuna masasayang ang mga ito.