Binalaan ng Sandiganbayan si dating MNLF o Moro National Liberation Front Founding Chairman Nur Misuari matapos na hindi nito matupad ang inilatag na kondisyon kaugnay ng pinayagang biyahe nito sa ibang bansa.
Batay sa ipinalabas na resolusyon ng 3rd division ng Sandiganbayan, nabigo si Misuari na magpakita sa clerk of court limang araw matapos itong bumalik ng bansa mula United Arab Emirates at Morocco noong Marso.
Ayon sa Sandiganbayan, sakaling muling maulit ang hindi pagsunod ni Misuari sa utos ng korte kaugnay ng kaniyang mga biyahe posible na itong patawan ng parusa.
Samantala, tinanggap naman ng Sandiganbayan ang inilahad na rason ni Misuari sa hindi nito pagpapakita sa korte.
Si Misuari ay nagtungo ng UAE at Morocco noong Pebrero 26 hanggang Marso 20 para dumalo sa mga pulong ng OIC o Organization of Islamic Cooperation.