Itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte si whistleblower Sandra Cam sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kay Cam, inappoint siya ng Pangulo bilang miyembro ng PCSO board of directors.
Aniya, hindi dapat na ikunsidera bilang ‘political position’ ang tiwalang ibinigay sa kanya ng Pangulo.
Dagdag pa ni Cam, bigyan lamang siya ng tatlong (3) buwan para patunayan na mali ang mga sinasabi ng kanyang mga taga – tuligsa.
Kasamang manunumpa ni Cam ngayong Miyerkules ang iba pang PCSO board appointees, mga opisyal ng ilang private organizations at iba pang government appointees kabilang na si dating Presidential Spokesperson Ernesto Abella bilang Undersecretary ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Matatandaang inamin mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa niyang bigyan ng puwesto sa gobyerno si Sandra Cam.
Ito’y makaraang makarating sa Pangulo ang ulat na sinungitan at niyabangan ni Cam ang isang tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa Pangulo, may pangako siya kay Cam bilang isa sa mga tumulong sa kanya noong panahon ng kampanya.