Nag-eskandalo si dating Jueteng Whistleblower Sandra Cam matapos hindi mabigyan ng VIP treatment sa NAIA o Ninoy Aquino International Airport noong nakaraang buwan.
Batay sa incident report ng MIAA o Manila International Airport Authority, papunta ng Masbate si Cam nang i-escort siya ng NAIA airport police department sa VIP lounge sa isa sa terminals ng paliparan.
Bilang pagsunod sa protocol, hiningan ng babaeng empleyado ng MIAA si Cam ng government ID upang makapag-fill out ito ng “Meet and Assist” form, matapos siyang mapagkamalan na isang government official.
Isang credit card ang ipinakitang ID ni Cam, sabay sabi na wala siyang government ID pero sa loob ng susunod na tatlong buwan ay magiging miyembro na siya ng gabinete.
Dahil dito, kinailangan ng empleyado na ipaliwanag kay Cam ang terms of use ng VIP lounge, na binabayaran ng P1,120.00 pero ubra naman itong ma-waive para sa mga opisyal ng gobyerno.
Nagalit si Cam at pinagsabihan ang empleyado na kaya siya inescort ng mga pulis ay dahil isa siyang “high-risk person,” kasabay ng pagkwestyon kung bakit niya kailangang magbayad sa VIP lounge.
Ipinaliwanag naman kay Cam ang proseso at terms of use sa VIP lounge, ngunit ipinatawag pa rin niya ang manager.
Dito niya pinagsisigawan at minura ang nasabing empleyado, at sinabing kausap niya sa telepono si Special Assistant to the President Bong Go.
Tinanong ni Cam ang babae kung kilala ba siya nito, dahil kung hindi aniya, ay i-search siya sa google, kasunod ng paggiit na wala pa siyang government ID dahil pagkatapos ng tatlong buwan pa siya magiging cabinet member.
Agad na inireport ng lounge manager at ng empleyado ang insidente sa opisina ng MIAA upang hindi na maulit.
By Meann Tanbio