Nanindigang hindi magbibitiw sa puwesto si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Member Sandra Cam.
Ito ay matapos ipanawagan ng apatnapu’t walong (48) kongresista ang kaniyang pagbaba sa tungkulin dahil sa umano’y hindi magandang inasal nito sa House committee hearing hinggil sa maanomalyang small town lottery (STL) program ng PCSO.
Sa isang panayam sinabi ni Cam na dapat ay harapin na lamang siya sa isang pagdinig ng mga kongresistang lumagda sa House Resolution No. 1777.
Batay sa naturang resolusyon, nanawagan ang nasabing bilang ng mga kongresista kay Cam na magbitiw na matapos nitong akusahan si Negros Oriental Representative Arnolfo Teves na isa umanong STL operator bukod pa sa mabibigat na pahayag nito laban kay House Minority Floor Leader Danilo Suarez.
Dahil dito, itinuring na isang insulto aniya sa institusyon ang ginawa ni Cam.
Hinamon din ni Teves ang opisyal ng PCSO na ilabas na lamang ang kaniyang ebidensya para patunayan ang sinasabing alegasyon.
—-