Patay ang isang taong gulang na babae sa bayan ng Teresa, Rizal matapos mahulog sa traysikel at magulungan pa ng kasunod na jeep.
Batay sa imbestigasyon ng Teresa Police, hawak pa ng kapatid nito ang baby habang sakay ng traysikel na minamaneho ng padre de pamilya dakong alas-diyes y medya ng umaga.
Pero nang tinahak na ng mag-anak ang highway sa J. Sumulong Avenue, Barangay Bagumbayan ay biglang nahulog ang bata mula sa loob ng traysikel at nasagasaan pa ng kasunod na jeep.
Nagawa pang isugod sa pinakamalapit na pagamutan ang sanggol pero nasawi na ito sa kalsada pa lang.
Sa ngayon, iniimbestigahan ng mga pulis ang ama at jeepney drayber para alamin kung may kasalanan din ang mga ito sa nangyaring insidente.