Mananatili sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang siyam na buwang gulang na sanggol na nasagip matapos “ipaampon” ng ina kapalit ng pera.
Ibinigay ng mga otoridad ang pangangalaga sa sanggol sa DSWD matapos mabawi ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bata sa isang mag-asawa sa Sta. Cruz, Laguna.
Ayon kay Atty. Janet Francisco, hepe ng NBI–Anti Human Trafficking Division, bagaman nangako ang ina na hindi na uulitin, may posibilidad pa ring ulitin nito ang ginawa.
Ang DSWD na anya ang magdedesisyon hinggil sa pangangalaga sa bata.
Nalulong umano sa online talpak at nalubog sa utang ang ginang kaya ipinaampon ang anak sa halagang 45,000 pesos.
Naaresto naman ang magka-live in na sina Imelda Maligiran at Maxwell Brine, na isang Nigerian.