Isang bata ang nasawi sa sunog sa residential area sa barangay Sun Valley, Parañaque City.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, inaalam na nila kung paano nasawi ang 1 taong gulang na biktima at nasaan ang mga magulang nito nang sumiklab ang sunog.
Tinatayang 100 katao naman ang nawalan ng bahay sa sunog na umabot sa unang alarma na naapula makalipas ang halos dalawang oras.
Nasa 13 bahay na pawang gawa sa light materials ang nilamon ng apoy habang tinataya sa P100,000 ang halaga ng mga natupok na ari-arian.
Inaalam na kung ano pinagmulan ng sunog na nag-umpisa sa dalawang palapag na bahay na pag-aari ng isang Wilfredo Prado.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga apektadong residente sa mga itinayong modular tent at isang kapilya sa naturang lugar. — sa panulat ni Drew Nacino