Dose-dosenang truck ang ginamit sa paghahakot ng tone-toneladang basurang iniwan ng mga deboto ng Poong Itim na Nazareno sa kahabaan ng ruta ng Traslacion na ginanap kahapon, Huwebes, ika-9 ng Enero.
Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila, nasa 330-tonelada ng basura o katumbas ng 68 truckloads ang nakolekta ng Manila Department of Public Services sa kasagsagan ng prusisyon, kahapon.
POST-TRASLACION ALERT: About 68 truckloads or 330 tons of garbage were recorded and collected by the Manila Department of Public Services during #Traslacion2020.
During #Traslacion2019, about 99 truckloads or 387.4 tons of garbage were recorded and collected.#AlertoManileno pic.twitter.com/ty7vVXYiJm
— Manila Public Information Office (@ManilaPIO) January 9, 2020
Bagaman hindi pa rin maiwasan ng mga deboto na mag-iwan ng mga basura sa daraanan ng Traslacion, ay mas mababa naman ang naturang bilang kaysa sa nakolektang basura sa Traslacion noong nakaraang taong 2019.
Batay sa Manila Public Information Office (PIO), nasa 387.4-toneladong basura o katumbas ng 99 truckloads ang nakolekta noong Traslacion 2019.
Samantala, labis namang ikinalungkot ng environmental watchdog na EcoWaste Coalition ang iresponsableng pagtatapon ng basura na ito sa Rizal Park, maging sa iba’t ibang sulok ng Maynila sa kahabaan ng Traslacion ngayong taon.