Inireklamo na ng mga residente ng Taal, Batangas ang perwisyong idinulot ng napakabahong amoy ng sako-sakong pinaghalong dumi umano ng hayop at tao na nagkalat sa Diversion Road sa Taal, Batangas.
Ayon kay Taal Mayor Pong Mercado, nagmula umano ang mga dumi sa isang truck.
Nais anya nilang mabatid kung sinadya o aksidente lamang ang nangyari.
Inihayag naman ni Taal Police chief, Maj. Dante Majadas na natunton nila sa pamamagitan ng CCTV ang dump truck na inabandona sa bayan ng Sta. Teresita.
Bagaman biglang nawala ang truck nang malingat ang mga Pulis, nakuha naman ng mga otoridad ang plaka ng sasakyan at nakikipag-ugnayan na sa LTO.
Pinag-aaralan na ang mga kasong maaaring isampa sa driver o kumpanya nito habang nagsagawa na ng clearing operations kung saan tatlong mini-truck na ng mga dumi ang nakolekta ng Taal LGU na agad ibinaon sa lupa.