Nasakote ng mga operatiba ng District Intelligence Division-Southern Police District (DID-SPD) ang isa pang miyembro Abu Sayyaf Group (ASG) na umano’y sangkot 2002 Jehovah’s Witness kidnapping at Lamitan Siege.
Ayon kay SPD director P/Brig. Gen. Jimili Macaraeg, nahuli nila ang suspek na si Omar Bin Harun o alyas Airola-Adjustable, isang sekyu na nakatira sa Brgy. Kasanyangan, Zamboaga City.
Aniya, nakatanggap sila ng ulat na darating sa bansa si Harun ng mula Malaysia sakay ng eroplano ng Philippine Airlines (PAL) sa NAIA Terminal 2.
Bitbit ang warrant of arrest na inilabas ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 266 noong Nobyembre 5, 2009 para sa kasong kidnapping at serious illegal detention, hinarang na ng otoridad ang eroplano nang lumapag ito.
Dito nabatid na gumamit ng Malaysian passport si Harun gamit ang ibang pangalan para itago ang pagkakakilanlan kaya’t agad na nagkasa ng custodial debriefing ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa airport.
Tumambad sa kanila na si Harun ay isang Filipino Citizen at kabilang ito sa listahan ng Terrorism Screening Center (TSC) ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos.
Hawak na ng DID-SPD ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon.