Tukoy na ng mga otoridad ang sanhi ng kamatayan ng 18 anyos na hazing victim na si Raymark “RR” Rabutazo na sumailalim sa initiation rites ng Tau Gamma Phi Fraternity sa Kalayaan, Laguna.
Batay sa medico legal report, binawian ng buhay ang grade 12 student na si Rabutazo dahil sa subdural hemorrhage secondary to blunt head trauma, indikasyon na pinalo ito ng matigas na bagay.
Nagtapos ang initiation rites alas-9 noong Linggo ng umaga pero bumagsak ang biktima at sinubukan pang tumayo ng kalahating oras habang tinangka siyang i-revive ng mga miyembro subalit binawian ng buhay makalipas ang ilang oras.
Ayon kay Kalayaan Municipal Police Chief, Lt. Erico Bestid Junior, palaisipan kung bakit isinagawa ang initiation sa Barangay San Juan gayong pawang mga taga-Barangay Longos sina RR at iba pang neophytes.
Nangangahulugan anya ito na tinangkang itago ng mga opisyal ng tau gamma ang kanilang aktibidad.
Samantala, tatlong suspek na ang hawak ng mga otoridad na kinilalang sina Kevin Perez, 22 anyos, isa sa mga opisyal ng fraternity, Reyvince Espaldon at Venzon Benedict Lacaocao habang anim na iba pa ang at large.