Nagsimula nang imbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng pagsiklab ng apoy sa Manila Pavilion Hotel sa bahagi ng Ermita, lungsod ng Maynila.
Ito’y makaraang ihayag ng isang slot operations officer ng casino na si Normyla Mercado hinggil sa isinasagawang welding sa isang escalator sa loob ng gusali bago mangyari ang sunog.
Ayon kay Mercado, nakita niyang lumalabas sa gaming area ang mga pilansik ng baga mula sa lugar ng welding kaya’t ipinaalam agad niya iyon sa security ng casino.
Pero huli na ang lahat nang makita ng security officer ang paglaki ng apoy mula sa nag-spark na pin light na siyang dahilan umano ng pagkalat ng apoy na tumagal ng isang araw.
Una nang itinanggi ng pamunuan ng Manila Pavilion na nagmula sa welding ang naging sanhi ng sunog sa naturang hotal kung saan, limang empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR)ang nasawi.