Nanawagan sa Senado at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang environmental group na imbestigahan ang isang sanitary landfill sa Norzagaray, Bulacan.
Tinukoy ng Alliance for Consumer and Protection of Environment (ACAPE) ang Wacuman Sanitary Landfill na sinasabing banta sa kalusugan ng mga residente.
Ayon kay ACAPE President Jun Braga, lumalabag umano sa national at local environmental laws ang Wacuman.
Kaugnay nito, sumulat na ang ACAPE kina Sen. Cynthia Villar, chairperson ng Senate Committee on Environment and Natural Resources; Sen. Bong Go, chairperson ng Senate Committee on Health; at DENR Sec. Roy Cimatu, para tugunan ang usapin.
Giit ng grupo, dapat siyasatin ang umano’y mga paglabag nito dahil maliban sa hindi magandang dulot sa kalikasan ay nakasasama din ito sa komunidad.
Binigyang diin ng ACAPE ang Wacuman ay hindi nakapag-apply ng permits to operate mula sa LGUs ng San Jose Del Monte (SJDM) at Norzaragay habang nilalabag din umano nito ang Rule 14, Sec. 1 ng Republic Act 2002 (Philippine Ecological Solid Waste Management Act of 2000) na nagsasabing ang lokasyon ng isang landfill ay dapat nakatutugon sa overall land use plan ng LGU.
Maliban dito, isiniwalat din ng grupo na nagdaragdag ng dumi sa San Jose del Monte Tiver ang landfill at nakababahala ito dahil sinasabing ang waterways ng SJDM na Kipungkok, Sto. Cristo, at Sta. Maria River systems ay konektado sa Marilao River at direktang dumadaloy naman patungong Manila Bay.