Nanawagan si Senadora Imee Marcos na ituring ding frontliner ang mga sanitation workers tulad ng basurero, street sweeper, janitor at iba pang manggagawang may kinalaman sa pananatili ng kalinisan ng ating komunidad para mapigilan ang pagkalat pa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon pa sa senadora, dapat aniyang tiyak na makatatanggap ng tulong pinansyal ang mga sanitation workers dahil sa kanilang ambag sa pagsugpo ng virus.
Kasunod nito, inihain ni Marcos ang senate bill 1414 para masiguro ang proteksyon ng mga frontliners pati na rin ang mga ordinaryong manggagawang lubhang naapektuhan ang kabuhayan bunsod ng COVID-19.
Isinusulong ng nasabing panukala na palawigin ng hanggang P750-bilyon ang emergency budget sa halip na P200-bilyon, at tinawag itong “Pag-asa: Alaga, Sustento, Angat”.
Dagdag pa ni Marcos, dapat ding ituring na frontliners ang mga Immigration personnel, driver ng mga shuttle service para sa mga health workers, at cargo handlers ng suplay ng pagkain.