Hindi tatantanan ng Malacañang ang mga nasa likod ng kontrobersiya hinggil sa pagpapatupad ng programang bakuna kontra dengue.
Ito’y makaraang isiwalat ng French Pharmaceutical Company na Sanofi Pasteur ang peligrong dulot ng naturang bakuna para sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng sakit na dengue.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, tiyak na mananagot ang sinumang dapat managot sa pangyayari lalo’t maituturing aniya itong genocide dahil sa dami ng mga buhay na tiyak malalagay sa peligro.
Bagama’t nauunawaan ng pamahalaan ang sentimiyento ng ilang magulang, nanawagan pa rin si Roque sa publiko na iwasang magpakalat ng mga maling impormasyon o balita hinggil sa usapin.
Sanofi and former government officials
Samantala, malaki ang kahaharaping pananagutan ng kumpaniyang Sanofi Pasteur, ang French pharmaceutical giant na manufacturer ng anti-dengue vaccine na dengvaxia.
Ito’y ayon kay Dr. Leo Olarte, dating Pangulo ng Philippine Medical Association o PMA ay dahil sa maituturing iyong kapabayaan at “medical malpractice” nang hindi agad nito isiwalat ang mga posibleng epekto ng naturang bakuna.
Magugunitang inihayag ng Sanofi na posibleng magdulot ng severe dengue ang isang taong nabakunahan subalit wala pang history ng pagkakasakit ng dengue.
Giit ni Olarte, hindi rin ligtas ang mga dating opisyal ng gobyerno partikular ng Department of Health o DOH sa mga maaaring kaharapin na kaso o reklamo.
Pero bago magsisihan, ipinunto ni Olarte na dapat munang tutukan ng mga awtoridad ang mahigit 700,000 mga batang binakunahan ng dengvaxia upang hindi na lumala ang nagbabadyang problema.
—-