Iginiit ng Sanofi Pasteur na walang patunay na dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng labing apat (14) na kabataang Pilipino.
Sinabi ng Sanofi na walang report sa kanila na may namatay sa mga tinurukan ng dengvaxia kung saan isinagawa ang clinical trial ng mahigit sampung (10) taon.
Tinukoy ng Sanofi ang report ng grupong Doctors for Public Welfare na wala sa labing apat na labing na-otopsiya ang napatunayang dengvaxia ang naging dahilan ng pagkamatay nito.
Bukod pa ito sa pahayag ni Philippine General Hospital (PGH) Director Gerard Legaspi na walang direktang ebidensya na dengvaxia ang dahilan ng dengue shock syndrome ng mga bata.
Ayon pa sa Sanofi, nakikisimpatiya sila sa pamilya ng mga nasawing bata subalit ang misyon nila ay mabawasan o tuluyang maalis ang pagdurusa ng milyon-milyong tao kabilang ang Pilipinas sa pamamagitan ng bakuna.
Matatandaang sinabi ng Public Attorney’s Office o PAO na tuloy ang ginagawang imbestigasyon at pag-otopsiya sa mga kabataang hinihinalang namatay matapos magkaroon ng ‘severe dengue’ dahil sa dengvaxia.
Binigyang diin ni Atty. Percida Acosta na malinaw na nakasaad sa Republic Act 9406 na tungkulin ng PAO na bigyan ng legal at mabilis na tulong ang mga dumudulog sa kanilang tanggapan.