Tiniyak ng French Pharmaceutical Manufacturer na Sanofi Pasteur na ligtas ang Dengue Vaccine na Dengvaxia sa kabila ng pag-amin ng kumpanya na may masamang epekto ang bakuna sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue.
Sa pagharap sa joint hearing ng Senate Blue Ribbon at Health and Demography Committees, nanindigan si Sanofi Pasteur-Asia Pacific Head Thomas Triomphe na walang naitalang namatay dahil sa Dengvaxia na ginagamit sa 11 pang bansa bukod sa Pilipinas.
Ayon kay Triomphe, may mataas na ethics standard at compliance ang Sanofi at wala siyang nakikitang kapabayaan sa kanilang panig.
Mabusisi rin anyang pinag-aralan at sumalang sa mga clinical trial ang nasabing bakuna bago itinurok sa mahigit 700,000 bata sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON, simula noong isang taon.