Tambak na basura ang iniwan ng ilang mga deboto sa mga kilalang pilgrimage site sa bansa nitong semana santa.
Partikular na tinukoy ng environmentalist group na Ecowaste Coalition ang Katedral ng Nuestra Señora De La Paz y Buenviaje sa Antipolo at ang Our Lady of Lourdes Grotto sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon kay Daniel Alejandre, Zero Waste Campaigner ng Ecowaste, tila taon-taon na lamang problema ng kanilang grupo ang hindi maayos na pagtatapon ng mga basura sa mga itinuturing na sagradong pook.
Karamihan sa mga iniwang basura ay mga balat ng kendi, snack packs, plastic bags, plastic containers na may lamang tira-tirang pagkain, paper at plastic cups, upos ng sigarilyo at iba pa.