Umalma rin ang pamahalaang lungsod ng Santiago sa Isabela sa ipinalabas na listahan ng Philippine National Police (PNP) hinggil mga nangungunang lungsod sa bansa na may mataas na bilang ng naitatalang krimen.
Ito ay matapos tukuyin sa datos ng PNP na nangunguna umano ang Santiago City sa may pinakamaraming naitalang krimen mula Enero hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Santiago City Isabela Mayor Joseph Tan, posibleng namali lamang ng basa si PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa ipiniresentang datos dahil nakaayos ang listahan batay sa mga rehiyon.
Dagdag pa ni Tan, tanging mga pangunahing lungsod lamang din sa buong bansa ang isinama sa listahan.
Magugunitang, una na ring umalma ang Naga City matapos namang sabihing panglima ito sa mga lungsod na may mataas na bilang ng naitatalang krimen.
“Sabi nga ng ating butihing chief PNP naka isa o dalawa o tatlong apology na ho siya. Eh sabi ko nga ho ikaw nilagay kaming number one sapagkat ang pinag-uusapan ho dito ay independent component city atsaka highly urbanized. It’s so happen po ang Santiago City nasa Region II at nag-iisa lang ho naman tayo na eye city kaya tayo nalagay sa number one. Hindi ho yung volume ng crime ang pinag-uusapan kundi by region ho. It’s so happen po Santiago City nasa Region II at ang Olongapo nasa Region III, Angeles nasa Region III kaya magkakasunod ho kami.” Pahayag ni Tan.
Iginiit pa ni Tan, pababa ang bilang ng mga naitatalang krimen sa kanilang lungsod.
Sa katunayan aniya, tatlumput apat sa tatlumpitong barangay sa Santiago City ang naideklarang drug free na.
“Crime statistics po ng Santiago City kung i-cocompare ho natin first quarter atsaka second, first quarter last year at first quarter ngayong taon eh talaga ho sa rate negative one nga ho kami. Kumbaga ‘negative’ ibig sabihin yung dati sa first quarter ho nuong 2017 na dalawa nayon isa na lang sa rate. Declining ho ang crime sa amin, dahil nga po na una, medyo na-solve natin yung tungkol sa drugs eh sa katunayan nga ho 34 barangay out of 37 barangay baka cleared na po tayo sa Barangay Anti-Drug Abuse Council.” Ani Tan.