Pinaiimbestigahan ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano ang umano’y pakikialam ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go sa proseso ng pagbili ng mga frigate o barkong pandigma ng Philippine navy.
Ayon kay Alejano, nakakuha siya ng mga dokumentong magpapakitang inatasan ang philippine Navy na magpaliwanag kay Go kung bakit nila napili ang isang kontratista na magsusuplay ng mga bibilhing warships.
Sinabi pa ni Alejano na hindi ang Philippine Navy ang pumili sa nanalong kontratista na Hyundai Heavy Industries kahit pa mas angkop sa pangangailangan ng Navy ang bid ng kumpanyang Thales Tacticos mula sa Netherlands.
Bukod kay Go, posible ding ipatawag sa Kamara ang lahat ng mga may kinalaman sa umano’y maanomalyang procurement process sa kinakailangang barkong pandigma ng Philippine Navy.
Matatandaan namang itinanggi na ni Go ang akusayson at iginiit na nakahanda siyang magbitiw kung mapatutunayang nakialam siya sa frigate acquisition project ng Philippine Navy na naaprubahan pa noong panahon ng administrasyong Aquino.