Hinimok ng OCTA Research team ang mga otoridad na magkaloob ng sapat at accessible testing, epektibong contact tracing at isolation facilities sa mga pamilyang nasa evacuation center dahil sa mga nakalipas na bagyo.
Sa kanilang report mula ika-9 hanggang ika-15 ng Nobyembre, hinikayat din ng mga expert mula University of the Philippines at University of Santo Tomas ang local government units na palakasin ang strategies at kondisyon sa mga evacuation centers para matiyak na hindi kakalat ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga residenteng naapektuhan ng bagyo at pagbaha.
Kabilang dito ang physical distancing at pagsusuot ng face mask at face shields.
Una nang inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III ang matinding posibilidad ng pagkalat ng COVID-19 sa evacuation centers matapos bumayo ang Bagyong Ulysses.