Tiniyak ng Malakanyang na sapat ang suplay ng bigas hanggang sa mga susunod na araw matapos dagdagan ng national food authority ang kanilang buffer stock o imbak ng bigas.
Sa press briefing sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na hanggang nitong Abril 24, mayroong mahigit sampung milyong sako ng palay at 1.2-milyong sako ng bigas ang NFA, na sapat sa loob ng sampung araw, na pinakamataas na imbentaryo mula noong 2020.
Tugon aniya ito ng NFA sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na aktibong bumili ng palay sa mga magsasaka.
Sinabi rin aniya ni NFA Administrator Larry Lacson na may natitira pang labindalawang bilyong pisong pondo ang ahensya na ilalaan sa pagbili ng palay ngayong panahon ng anihan.
Dagdag pa ni Usec. Castro, hindi lang mga magsasaka ang makikinabang sa pagbili ng pamahalaan ng palay, kundi maging ang publiko dahil inaasahang magreresulta ito ng mababang presyo ng bigas sa mga pamilihan.—ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13)