Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nais niyang magpatuloy ang suplay ng bigas sa mga ‘Kadiwa ng Pasko’ sites na maaaring mabili sa halagang P25 kada kilo.
Ang pahayag ay ginawa ng Presidente kasunod ng isinagawa nitong surprise inspection sa warehouse ng National Food Authority (NFA) sa Valenzuela City.
Ayon sa Pangulo, nais niyang makatiyak na hindi mapapatid ang supply sa Kadiwa kaya minabuti niyang puntahan muna ang mga warehouse.
Aniya, ito ang panahon na naglalabas na ng bigas kaya maaaring tuloy-tuloy na rin ito at hindi mauubusan ang Kadiwa ng commodities na ipinagbibili sa abot-kayang presyo.
Paliwanag ng Pangulong Marcos, mayroong sapat na suplay ng bigas sa Valenzuela City warehouse kahit binawasan na ng pamahalaan ang importasyon at binigyang prayoridad ang local sourcing ng produkto.
Samantala, sa kaso naman ng suplay ng sibuyas, sinabi ng punong ehekutibo na humahanap sila ng paraan para agad na madala sa merkado ang smuggled onions.
Bukod dito, posible rin aniyang sa susunod na linggo ay mayroon nang mailatag na solusyon ang pamahalaan ukol sa mga puslit na sibuyas.