Plano ng gobyerno na gamitin bilang booster shots sa susunod na taon ang mga COVID-19 vaccines na darating simula ngayong araw.
Sa Talk to the People, inihayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na sapat na ang suplay ng bakuna kontra COVID-19 sa bansa para masakop ang immunization program hanggang sa matapos ang taong ito.
Ayon kay Galvez, nitong Nobyembre 1 ay nakatanggap na ang Pilipinas ng nasa 106 milyong doses ng COVID-19 vaccines kung saan 59 milyon dito ang naiturok na.
Ang volume aniya ng bakunang ito ay sapat na para suportahan ang vaccination roll out ngayong buwan hanggang sa Disyembre.
Kaya naman plano na nilang ilaan umano ang mga bakunang parating sa bansa para sa pagbibigay ng booster shot sa unang bahagi ng 2022.
Tiniyak rin ni Galvez na hanggang sa ikalawang bahagi ng susunod na taon kung saan bago mag eleksyon ay magiging sapat din ang bakuna kontra COVID-19 sa bansa. —sa panulat ni Hya Ludivico mula sa ulat ni Jenny Valencia-Burgos (Patrol 29)