Muling tiniyak ng Department of Health at National Task Force against COVID-19 na may sapat na supply ng hiringgilya na akma sa Pfizer COVID-19 vaccines at iba pang bakuna.
Ito ang tugon ng DOH at NTF sa ibinulgar ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na sumablay muli ang gobyerno sa alok na 50-M vaccine syringes.
Ayon sa DOH at NTF, dalawang batch na ng procurement sa pamamagitan ng UNICEF ang isinagawa na pinondohan mula sa savings ng 2020 unicef procurement kasama ang 8-M syringes na nagkakahalaga ng P29.1M ang naihatid noong Oktubre.
Ang ikalawang batch naman na pinondohan ng Asian Development Bank ay binubuo ng 44 million syringes na nagkakahalaga ng P152.6M.
Kabilang dito ang 4-M na ihahatid ngayong Disyembre habang ang nalalabing 40-M ay darating sa unang quarter ng 2022 dahil sa kakulangan sa World supply.
Sa kasalukuyan ay nasa 3, 653,000 syringes na mula sa 4-M ang idineliver na at ang iba ay inaasahan sa susunod na linggo.