Tiniyak ng Department of Energy (DOE) ang sapat na suplay ng kuryente sa Luzon.
Ginawa ito ni Energy Secretary Jericho Petilla sa harap ng ilang beses na deklarasyon ng yellow alert sa suplay ng kuryente sa Luzon.
Ayon kay Petilla, may ilang adjustments lamang na kailangang isagawa sa panibagong platform na inilagay nila sa Malampaya gas plant kaya’t medyo bumaba ang suplay ng gas na inilalabas ng planta.
Gayunman, sa kabuuan, sinabi ni Petilla na basta’t hindi magkakaroon ng sunud-sunod na pagbagsak ng planta ng kuryente ay makakaasa ang taongbayan ng sapat na suplay ng elektrisidad.
“Huwag lang babagsak ng sabay-sabay ang mga planta, lalo na kung 5, 7 o 9 eh talagang magkakaproblema tayo, pero kung minimal ang bagsak natin and so far ay manageable ang mga force outages natin dito sa Luzon, so far hindi tayo nagkakaproblema, it is lower than what we expected na force outage na pagbagsak ng planta, so if this continues wala tayong problema.” Ani Petilla.
Brownout sa Occidental Mindoro
Tiniyak din ng Department of Energy na masosolusyonan ang problema sa 10 hanggang 12 oras na nararanasang blackout sa Occidental Mindoro
Ayon kay Energy Secretary Jericho Petilla, nagtakda na sila ng forum sa mga opisyal at mamamayan ng Occidental Mindoro sa June 30 para ilatag ang mga nabuo nilang solusyon sa blackout.
Matatandaan na batay sa reklamo ng grupong 100 Percent Brownout Free Occidental Mindoro, maraming negosyo na ang nalulugi sa lalawigan dahil sa kawalan ng kuryente.
By Len Aguirre | Ratsada Balita