Tiniyak ng Manila Water Company ang sapat na suplay ng tubig ngayong panahon ng tag-init.
Ayon kay Jeric Sevilla, Corporate Communciations Chief ng Manila Water, bagamat may El Niño ay nakaranas naman ng ilang malalakas na bagyo ang bansa noong nakaraang taon kaya’t napuno ang Angat Dam na syang pinagkukunan ng suplay ng tubig para sa Metro Manila.
“Ang lebel po ng Angat ngayon ay nasa 201 meters, ito po ay 3 metro na mas mataas kaysa doon sa kaparehong period last year, ibig sabihin po mas maganda yung lebel ng tubig natin ngayon kaysa noong isang taon dahil dito wala po tayong nakikita atleast para dito sa Metro Manila na magkakaroon tayo ng kakulangan ng suplay ngayong panahon ng tag-init.” Ani Sevilla.
Water price hike
Kinumpirma ng Manila Water Company na sisimulan nila ang paniningil ng dagdag na bayad sa tubig sa unang araw ng Abril.
Gayunman, nilinaw ni Jeric Sevilla, Corporate Communications Head ng Manila Water na bahagya lamang ang madaragdag sa bayarin sa tubig ng kanilang customers.
Halimbawa anya P2.37 lamang ang madaragdag sa buwanang bill ng mga kumokonsumo ng 30 cubic meters kada buwan samantalang P1.31 sentimo naman para sa mga kumokonsumo ng 20 cubic meters kada buwan.
Nilinaw naman ni Sevilla na mananatili sa P80 ang bill ng kanilang lifeline customers o yung mga nasa low income community na kumokonsumo lamang ng 10 cubic meters kada buwan.
Subalit may P0.59 dagdag singil naman sa mga kumokonsumo ng 10 cubic meters pero nasa labas ng low income community tulad ng mga bahay bakasyunan o yung mga malalaking bahay na maliit ang konsumo sa tubig.
“Ito po ay bahagi ng tinatawag na contractual obligation, ibig sabihin talagang every quarter atin pong nirerebisa ang palitan ng piso at dolyar, kung sakali naman na sa susunod na quarter ay lalakas ang piso, malaki ang posibilidad na by the next quarter ay magbaba naman po ang taripa.” Pahayag ni Sevilla.
By Len Aguirre | Ratsada Balita