Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sapat ang tulong na kanilang ibinibigay sa mga naapektuhan ng magkakasunod na lindol sa Cotabato at iba pang bahagi ng Mindanao.
Ito ang iginiit ng ahensiya matapos mamalimos ng tulong sa Makilala highway ang ilang mga residenteng nasalanta ng lindol sa Cotabato at Davao del Sur nitong Sabado, Nobyembre 2.
Ayon kay DSWD Region 12 director Joel Espejo, may mga ibinigay silang disaster family access card sa mga pamilyang nasa evacuation centers para matiyak na maabutan ng tulong ang mga ito.
Gayunman sinabi ni Espejo, hindi nanunuluyan sa mga itinalagang evacuation centers ang mga naabutang namamalimos sa Makilala highway.
Dagdag pa ng opisyal, wala rin silang opisyal na talaan kung ilan na ang bilang ng mga biktimang nabigyan nila ng tulong.
Duda naman si Espejo na posibleng may mag grupo lamang na nanamantala sa sitwasyon at nag-uudyok sa ilang residente na magtungo sa kalsada para mabigyan ng negatibong impresyon ang pamahalaan.