Nag-alok na ng 2 milyong pisong reward si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio para sa agarang ikaaaresto ng mga suspek sa nangyaring pagpapasabog sa Davao City.
Ayon kay Duterte-Carpio, maglalaan siya ng 1 milyong piso para sa mga makakapagbigay impormasyon ukol sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek at 1 milyong piso para naman sa makakahuli o makakapagdala sa mga salarin sa city government.
Batay sa Davao PNP, patuloy pa nilang tinutugis ang tatlong person of interest na posibleng nasa likod ng pagpapasabog sa night market ng Davao City, Biyernes ng gabi.
Matatandaang 14 ang patay habang mahigit 60 ang sugatan sa naturang insidente.
8 witnesses
Gumamit ng cellphone bilang triggering device ang mga suspek sa pagpapasabog sa isang night market sa Davao City noong Biyernes ng gabi.
Ayon kay City Police Director Senior Superintendent Michael Dubria, nakita sa atay ng isa sa mga naging biktima ang ‘fuse’ ng IED O improvised explosive device.
Nilinaw naman ni Dubria na sinusuri pa rin ng PNP Regional Crime Laboratory Office sa Davao ang ilang bahagi ng bomba na nakuha sa blast site.
Sinabi pa ng opisyal na ang ilan sa mga narekober ay bahagi ng isang 60mm mortar round.
Pinaniniwalaan na ang bomba o IED ay nakalagay sa bag na dala ng isang lalaki na nagpamasahe sa Roxas Street bago naganap ang pagsabog.
Sinasabing may kasamang dalawang babae ang hindi pa nakikilalang lalaki at bago ang pagsabog ay namamadali umano itong umalis sa nabanggit na lugar.
Dagdag pa ni Dubria, mayroon silang 8 testigo na maaaring makatulong para maresolba ang krimen at matukoy ang mga salarin.
Wrong info
Samantala, nilinaw ngayon ng Davao PNP na walang katotohanan ang mga text message na may natagpuan umanong bomba sa ibang bahagi ng Davao City.
Ayon sa tagapagsalita ng PNP Region 11 na si Chief Inspector Andrea Dela Serna, batay sa kanilang intelligence report ay wala nang nangyaring hiwalay na pagsabog at wala ring natagpuang mga bomba sa iba pang panig ng lungsod.
Kasabay nito, naki-usap si Dela Serna sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi berepikadong ulat dahil sa maaari lamang itong makapagdulot ng kalituhan at panic.
By Ralph Obina | Jelbert Perdez