Isa umano ang sardinas sa pinaka masustansyang pagkain sa buong mundo.
Ayon sa mga eksperto, maraming makukuhang benepisyo sa pagkain ng sardinas kabilang na dito ang, Omega 3 fatty acids at protein na nakakatulong para mapataas ang ating good cholesterol at kaya din nitong protektahan ang ating mga puso.
Makakatulong din ito upang maiwasan ang stroke at heart attack na may mababang calories na maaring kainin ng mga nagpapapayat.
Taglay din nito ang mataas na lebel ng Coenzyme Q10 na isang anti-oxidant na nagpapalakas ng katawan at phosporus na kailangan ng ating mga ngipin.
Bukod pa dito, mayroon din itong calcium na tumutulong upang maging matibay at mapatigas ang ating mga buto sa katawan pero kung sasabayan mo ito ng ehersisyo ay mas makakaiwas ito sa sakit na osteoporosis.
May vitamin D din ito na nakakatulong sa pag-absorb ng calcium sa katawan at vitamin B12 para mas maging maayos ang ating mga ugat o mga nerves, utak at spinal cord at maging maganda ang daloy at paggawa ng ating mga dugo.
Kabilang pa sa mga isda na ligtas kainin ay ang dilis, hito, galunggong at bangus na may mababang content ng mercury.—sa panulat ni Angelica Doctolero