Nananatiling mataas ang net satisfaction rating ng Senado, Kamara, Supreme Court at Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte batay sa survey ng Social Weather Stations o SWS noong huling quarter ng taong 2018.
Sa 4th quarter SWS survey noong 2018, 71 percent ng mga Filipino adult ang kuntento sa performance ng senado habang 13 percent ang hindi kuntento katumbas o very good na katumbas ng plus 58 net satisfaction rating kumpara sa plus 48 noong Setyembre.
Ito na ang pinaka-mataas na satisfaction rating na nakuha ng senado sa SWS survey simula pa noong August 2012.
Tumaas naman sa plus 40 ang rating ng Kamara noong Disyembre kumpara sa plus 36 noong Setyembre o 57 percent ng mga pinoy ang kuntento sa performance ng Mababang Kapulungan ng Kongreso habang 17 percent ang hindi kuntento.
Nanatili namang “good” ang satisfaction rating ng Korte Suprema o plus 37 noong Disyembre kumpara sa plus 31 noong Setyembre katumbas ng 54 percent na kuntento at 17 percent na hindi kuntento.
Samantala, nanatili ring “good” ang net satisfaction rating ng Gabinete sa plus 35 o katumbas ng 52 percent na kuntento at 17 percent na hindi kuntento.