Tumaas ang satisfaction rating ng Pangulong Noynoy Aquino sa ikatlong bahagi ng 2015.
Batay ito sa survey ng Social Weather Stations o SWS kung saan lumalabas na 64 na porsyento ng mga Pinoy ang nagsabing kuntento sila sa performance ng Pangulo, 22 porsyento ang hindi kuntento habang 14 na porsyento ang undecided.
Nakakuha ang pangulo ng positive 41 na net satisfaction rating na mas mataas sa positive 30 na rating ng pangulo noong Hunyo.
Ang naturang survey ay isinagawa sa may 1,200 respondents mula Setyembre 2-5.
Pag-iigihan pa
Ikinatuwa naman ng Palasyo ng Malacañang ang positibong satisfaction rating ng Pangulong Noynoy Aquino para sa ikatlong quarter ng 2015.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, ang pagganda ng satisfaction rating ng Pangulo ay utang na loob ng pamahalaan sa kanilang mga boss.
Isa aniya itong indikasyon na nagtitiwala pa din ang publiko sa administrasyon at sa reporma na ipinatutupad nito.
Tiniyak din ni Coloma na sa mga susunod na buwan ay pag-iigihan pa ng pamahalaan ang trabaho nito upang maging maganda ang hinaharap ng bansa.
By: Ralph Obina | Katrina Valle | Aileen Taliping (Patrol 23)