Muling nakabawi ang satisfaction ratings ng administrasyong Aquino batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS.
Sa ipinalabas na resulta ng survey na inilathala sa pahayagang Business World, nakakuha ng positive 31 ang administrasyon nitong Hunyo mula sa record low na positive 19 na nakuha nito noong Marso.
Katumbas ito ng 55 percent na nagsabing kuntento sila sa mga ginagawa ng administrasyon, 24 percent ang nagsabing hindi sila kuntento habang 20 percent naman ang hindi makapagpasya.
Ginawa ang survey mula Hunyo 5 hanggang 8 na kinabibilangan ng 1,200 respondents.
Ngunit, bagsak naman ang nakuhang grado ng administrasyon sa ilang mga usapin tulad ng pagsugpo sa krimen, kurapsyon, kagutuman, pagtaas ng presyo ng bilihin at pagtiyak na hindi sasamantalahin ng mga kumpaniya ng langis ang presyo ng produktong petrolyo.
Nakakuha rin ng mababang marka ang administrasyon sa mga ginagawa nitong hakbang at paghanap ng hustisya sa malagim na Maguindanao massacre case.
By Jaymark Dagala