Itinanggi ng Saudi Arabia Health Ministry ang ulat na nakapasok na rin ang bagong strain ng coronavirus sa kanilang bansa.
Kasunod ito ng naging pahayag ng state for external affairs minister ng India na may isang kababayan umano silang nurse na nagtatrabaho sa isang ospital sa Southwestern Saudi Arabia ang nahawaan ng novel coronavirus (2019 – nCoV).
Ayon sa Saudi Center for Disease Control and Prevention, wala pa silang naitatala sa ngayon na kahit isa kaso ng nCoV sa kanilang bansa.
Una nang inilarga ng Saudi Arabia ang mahigpit na screening sa mga dumarating na pasahero mula China at pagpapatupad ng iba pang mga preventive measures bunsod na rin ng outbreak ng nCoV sa Wuhan City.
Samantala, kinumpirma naman ng Japan health ministry ang ikalawang naitalang kaso ng nCoV sa kanilang bansa.
Batay sa ulat, ilang araw nang nilalagnat ang 40 anyos na lalaking pasyenteng mula Wuhan City bago ito nagtungo ng Japan.
Gayunman, bumuti na ang pakiramdam nito nang dumating ito ng Japan noong Enero 19.
Enero 22 naman nang muli itong makaranas ng lagnat dahilan kaya isinugod na ito sa Tokyo hospital.