Hindi makaaapekto sa suplay ng langis ng bansa ang nangyaring pag-atake sa oil facilities sa Saudi Arabia.
Ito ay ayon kay Department of Finance (DOF) Undersecretary Karl Kendrick Chua matapos magdulot ng pangamba sa industriya ng langis ang posibleng maranasang kakulangan sa suplay ng langis sa bansa.
Batay aniya sa kanyang mga nakalap na balita ay nagbalik na sa normal ang oil supply.
Kung ganoon aniya ang sitwasyon ay wala nang dapat pang ipangamba at wala na ring karagdagang aksiyon na kailangang ilatag.
Kailangan lang aniyang magkaroon ng regular na monitoring kung sapat ba ang oil supply na nagmumula sa Middle East.
Magugunitang sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi na kanila nang pinaigting ang pagmomonitor sa naturang sitwasyon at tinitiyak na mayroong sapat na oil stock ang Pilipinas.