Nanawagan ang BBM-Sara UniTeam na magtayo ng isang ‘text helpline’ para sagipin ang mga ‘street kids’ sa gitna ng muling pagsirit ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Partido Federal ng Pilipinas o PFP presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr, dapat agad masagip ang mga batang hamog dahil sila ang mas madaling madapuan ng sakit.
Dagdag ni Marcos, isa sa nakikita nila ng kanyang running mate na si Inday Sara Duterte para mailigtas ang batang hamog ay ang pagtatayo ng “Text helpline”.
Aniya magiging bahagi nang programang ito ang lahat ng indibidwal at netizens upang ipaalam agad sa mga kinauukulan ang mga nakikita nilang mga ‘batang hamog’ sa kalsada na kailangang iligtas at kalingain.
Ipinabatid pa ni Marcos na kung magtutulungan ang National Government at Local Government Units mas madaling matutunton ang mga ‘street kids’ dahil pakalat-kalat lamang ito sa kalsada.