Nanindigan si Atty. Wilma Eisma, chairperson ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), sa naging desisyon nyang huwag padaanin sa loob ng SBMA si Bulacan Governor Daniel Fernando patungo ng Bataan.
Ayon kay Atty. Eisma, taliwas sa nauna nilang pasabi na magdadala sila ng relief goods sa Bataan, lumalabas anya na bibisitahin lamang pala ng gobernador ang kanyang resort sa Bataan.
Iginiit ni Eisma na mahigpit ang pagpapatupad nila sa mga panuntunan ng community quarantine dahil ayaw nyang mapasok ng virus ang SBMA.
Sa haba anya ng palitan nila ng text messages ng aide ni Fernando ay naisip nyang payagan na lamang itong dumaan subalit nang tawagan nya ito ay halos hindi maputol na galit ng gobernador ang sumalubong sa kanya.
Sa totoo lang, talaga namang papadaanin ko sya. Pero noong nakausap ko sya, galit na galit na po sya sa akin,” ani Eisma. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas