Pinakakalma ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang mga residente ng Olongapo na huwag magpanic.
Kasunod na rin ito nang inaasahang pagdating bukas, Miyerkules, sa Subic, ng barko na pawang Chinese nationals ang sakay.
Ayon kay SBMA Administrator Wilma Esma, tuloy ang pagdaong ng mga barko sa Subic at pinagbasehan nila rito ang guidelines ng Department of Health na nagsabing hindi naman kailangang ipahinto ang mga biyahe.
Sinabi ni Esma na marami nang hinintuang bansa ang mga nasabing cruise ship bago pa dumating sa Pilipinas kaya’t nangangahulugang ang bawat bansang dinadaungan ng mga ito ay nagpapatupad na ng quarantine procedure sa mga pasahero.
Habang naglalayag naman na aniya ay kinukuhanan na rin ng temperatura ang mga dayuhang sakay ng barko at pagdating ng Subic ay muling magsasagawa ng screening procedure sa mga pasahero para matiyak na wala silang sintomas ng flu at kung makikitaan naman ng sintomas ay hindi na rin pabababain ng barko.
Umapela pa si Esma sa publiko na huwag nang salubungin ang mga dayuhang bababa ng barko.