Nakatakda nang ilabas bukas ng Supreme Court ang desisyon hinggil sa mga petisyong kumukwestyon sa legalidad ng Proclamation 216 o Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Ayon sa isang source, naka-umang na ang pagbasura ng mayorya ng mga mahistrado sa lahat ng petisyon na humihirit na ibasura ang batas militar na nagsususpinde rin sa pribelehiyo ng writ of habeas corpus.
Batay din sa mga court insider, ipinakalat na umano ni Associate Justice Mariano del Castillo ang binalangkas na 83-page draft decision na naglilinis kay Pangulong Duterte sa mga kaso umano ng pag-abuso sa kapangyarihan nang ideklara niya ang Martial Law.
Nakasaad sa desisyon na inihayag ni Del Castillo na may nakita ang korte na sapat na batayan para sa deklarasyon ng Proclamation 216 sa Mindanao dahil sa pag-atake ng mga terorista sa Marawi City.
Nasa sampu hanggang labing-apat umanong mahistrado ang boboto pabor sa Martial Law dahil legal at naayon naman ito sa Saligang Batas.
Martial Law critics
Samantala, binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kritikong iginigiit ang pagbawi sa idineklarang Martial Law sa Mindanao sa kabila ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Marawi City.
Ayon kay Pangulong Duterte, aalisin lamang niya ang batas militar kung sasabihin sa kanya ng Armed Forces of the Philippines o AFP at Philippine National Police o PNP na ligtas na ang Mindanao sa banta ng mga armadong grupo.
Hindi rin anya nakabubuti ang inihihirit ng mga kritiko sa Supreme Court na ibasura ang Martial Law dahil umano sa kawalang batayan nito.
Gayunman, hindi sinabi Pangulong Duterte kung anong mga partikular na kaso ang maaaring isampa laban sa mga nagpupumilit na ipabasura ang Batas Militar.
By Drew Nacino
SC decision kaugnay sa Martial Law ilalabas bukas was last modified: July 3rd, 2017 by DWIZ 882