Inatasan ng Korte Suprema ang mga abogadong kabilang sa naghain ng petisyon kontra Anti-Terrorism Act of 2020 na iwasang talakayin ang usapin sa media, hangga’t wala pang pinal na resolusyon hinggil dito.
Ayon kay Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta, kanyang napuna na ilang abogado ang nagpapaunlak ng panayam sa telebisyon hinggil sa isyu.
Ani Peralta, batid naman ng mga abogado na posibleng makaapekto sa resulta ng kaso ang kanilang pagpapa-interview sa media at pagtalakay ng kanilang posisyon sa usapin.
Batay sa sub judice rule, nililimitahan ang mga sangkjot sa kaso na maghayag ng komento o magpalabas ng mga kaganapan sa pagdinig para maiwasan ang premature judgement, maimpluwensiyahan ang korte o mahadlangan ang pagpapatupad ng hustisya.
Sa ilalim naman ng rules of court, lahat ng mga lalabag sa naturang panuntunan ay maaaring maipagharap sa indirect contempt.