Ibinasura na ng Korte Suprema ang petisyon na kumukwestyon sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas na ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) kahit hindi ito inaprubahan ng senado dahil ito’y moot and academic na.
Sang-ayon sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema, ang naturang pagbasura sa petisyon ay sinang-ayunan ng lahat ng mga mahistrado.
Mababatid kasi na naisakatuparan na ang pag-atras ng bansa sa ICC noon pang 2019 makaraang ipadala ang notice of withdrawal ng bansa noong 2018.
Sa naturang desisyon, iginiit ng Korte Suprema na kinikilala nila ang Pangulo ng bansa bilang ‘primary architect’ sa usapin ng foreign policy bagamat pupwede itong limitahan kung nangangailangan ng concurrence ng senado.
Magugunitang kinwestyon ng ilang mga senador gaya nina Senador Francis Pangilinan, Franklin Drilon, at Risa Hontiveros ang pag-atras ng bansa sa ICC.