Ipinag-utos ng Korte Suprema ang pagpapalaya sa dalawa pang drug personalities dahil sa mahinang ebidensya laban sa mga ito.
Batay sa desisyon ng ikalawang dibisyon ng Supreme Court, pinagbigyan nito ang apela ng mga akusadong sina Manolito Rivera alyas Doc Aga at Mary Grace Estanislao alyas Grace ng Marikina City.
Kasabay nito, inatasan ng mataas na hukuman ang Bureau of Corrections o BuCor na palayin ang dalawang akusado.
Si Rivera ay hinatulang mabilanggo ng mababang korte habambuhay habang si Estanilao ay hanggang 20 taong pagkakakulong ang inihatol laban dito matapos mahuli noong September 2014 dahil sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga.
Pinaboran ng court of appeals ang hatol ng lower court pero nang umakyat sa korte suprema ang mga akusado, ay inabswelto sila ng mga mahistrado.
Ayon sa kataas-taasang hukuman, hindi nasunod ang chain of custody sa mga ebidensyang nakuha mula sa mga akusado.
Giit ng mga mahistrado, nakompromiso ang integridad at evidentiary value ng mga items na nasabat mula sa mga ito. —sa panulat ni Hyacinth Ludivico