Idinetalye ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ang habol ng Pilipinas sa pag-angkin sa Scarborough Shoal.
Sa panayam kay Justice Carpio kasabay ng ika-20 National Press Forum sa isang Hotel sa Maynila, naitanong sa mahistrado ang tungkol sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Justice Carpio, magpapatunay ang sinaunang mapa ng China at Pilipinas sa tunay na kinabibilangang bansa ng Scarborough shoal.
Ibinunyag ni Justice Carpio ang mga official at unofficial na mapa ng China mula taong 1136 hanggang 1912.
Ipinakikita, aniya, roon na Hainan Island ang pinakadulong bahagi ng teritoryo ng China.
Samantala, mula taong 1636 hanggang 1933, ipinakikita ng mapa na ang Scarborough Shoal ay malinaw na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Inihayag pa ni Justice Carpio na unang ipinangalan sa Scarborough shoal ang “panakot” at unang lumabas iyon sa mapang Murillo-Villarte na nailathala noong 1734.
Gayunpaman, nilinaw ni Justice Carpio na kailangang hintayin pa rin ang magiging desisyon ng International Tribunal para masimulan na rin ang mga programa sa West Philippine Sea.
Naniniwala rin si Justice Carpio na hindi layon ng China na mauwi sa gyera ang naturang agawan ng teritoryo at gusto lamang umano nitong manakot.
By: Avee Devierte