Isinusulong ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ang paghahain ng ikalawang reklamo sa UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea dahil sa tila matamlay na reaksyon dito ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod na rin ito ng unang anibersaryo ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands na pumapabor sa Pilipinas kontra China kaugnay sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Carpio na ang ikalawang reklamo ay mas makapagpapalakas sa posisyon ng Pilipinas at ang agarang pagbuo sa Code of Conduct habang ang Pangulong Duterte pa ang Chairman ng ASEAN Region ngayong taon.
Una nang inihayag ni Carpio ang pagka dismaya niya sa aniya’y tila pagsasawalang bahala ng administrasyon sa resulta ng UNCLOS ruling pabor sa Pilipinas dahil masasayang lamang umano ang desisyon.
Bagamat hindi labag sa konstitusyon ang hindi kaagad pagtugon ng Pangulo sa ruling ng UNCLOS inihayag ni Carpio na binibigyan lamang nito ang China ng mas mahabang panahon para matapos ang kanilang militarization sa pinag aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
By Judith Larino / ulat ni Bert Mozo (Patrol 3)
Ikalawang reklamo laban sa China isinusulong na maisampa was last modified: July 13th, 2017 by DWIZ 882